ANG lahat po ng gamot kapag naging sobra ay maaaring maging lason.
Lahat po ng sakit ng mga manok na ginagamitan ng antibiotic ay effective lamang po kung sa loob ng unang dalawang araw ng signs ng sakit ay maibibigay agad natin.
“Kung sa loob ng tatlong araw na sila ay naka-antibiotic at walang pagbabago ay dapat palitan ng ibang gamot. Ang gumagaling lang po sa sakit ay ‘yung kumakain at umiinom na manok at wala pong magaling na gamot kung ang sakit ay malala na kaya nga po dapat ang gamot ay ginagamit as prevention,” ani Doc Marvin Rocafort ng El Campeon Conditioning Camp.
Anya, ang manok na nagkasakit ay mabilis magdamdam ng sugat kaya hindi ito uubra sa basaan.
“Ang sobra sa antibiotic ay nagiging dahilan para matuyo ang katawan ng atin alagang manok, lumalabo at namumutla ang mata at nagiging bingi kung saan sila ay nawawalan ng balanse. Mahirap na pong ilaban ang manok na nagkasakit kasi kung kailan mo kinokondisyon ay doon sila nagkakasipon, umiipot ng green at hindi nagtutunaw, etc. ‘Yun ngang manok na hindi nagkasakit ay natatalo ay lalo na po ‘yung sakitin,” ani Doc Marvin.
Hindi rin, aniya, maganda na nasosobrahan sa bitamina ang ating mga alagang manok. Ang bitamina ay kailangan ng ating alagang manok para siya ay maging healthy sa araw-araw.
“Ang lahat po ng patuka ay may kumpletong vitamins, nakasulat po sa sako na pinaglalagyan.Tama po ‘yung nagbibigay ng additional vitamins sa panahon ng conditioning sa dahilan na mataas ang kanilang pangangailangan dahil sila ay under stress,” ani Doc Marvin. “Kung magbibigay po tayo ng gamot (vitamins) dapat po ay kaya natin ipaliwanag kung bakit dahil kung hindi sila po ay masisira lamang. Ang nagbibigay po ng speed and power ay ang ating patuka, tumutulong lamang po ang vitamins kaya huwag po natin iasa lahat sa gamot/vitamins ang pagiging malakas at mabilis ng ating panlaban dahil kapag nasobrahan po sa gamot ay nagdudulot ng pagtatae kaya mahirap makontrol ‘yung moisture na dahilan para ang manok ay maging off,” dagdag pa niya.
Comments are closed.