OVERKILL OPERATION VS PASTOR QUIBOLOY INALMAHAN NG DILG, PNP

DAVAO CITY- DINEPENSAHAN ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos at maging ng pamunuan ng Philippine National Police ang akusasyong overkill na pagsisilbi ng warrant of arrest laban appointed son of God, Pastor Apollo Quiboloy sa compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa nasabing lalawigan.

Ayon kay Abalos, naghanda talaga ang PNP dahil sa binitawang salita noon ni Quiboloy na hindi siya mag papahuli nang buhay kasunod ng ulat na may mga mataas na kalibre ng baril sa kanyang pag iingat

Paliwanag pa ng kalihim may umiiral na batas sa bansa at mayroon ding ginagampanang tungkulin ang mga pulis na hanapin ang isang maimpluwensiyang pugante na gaya ni Pastor Quiboloy.

Aniya, maximum tolerance pa nga ang mga pulis dahil kahit binomba sila ng tubig ay hindi nila ito tinapatan ng init ng ulo.

Tiniyak naman ni Abalos na kahit hindi nila naabutan si Quiboloy, mas higit silang nagpupursiging hanapin ito.

Tinayuan naman ng PNP ang kanilang pahayag na sinusunod nila ang legal security protocols nang isilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy at 5 iba pa sa Davao City.

Sa isang statement, sinabi ng PNP na lehitimong law enforcement operation ang kanilang isinagawa alinsunod sa legal security protocols at may kaukulang paggalang sa lahat ng sangkot na partido.

Saad pa ng pambansang pulisya na kinikilala nito ang high-profile nature ng subject kaya’t tiniyak ng PNP ang presensiya ng sapat na bilang ng kapulisan sa kasagsagan ng operasyon para mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang hindi inaasahang mga insidente.

Umaapela naman ang PNP kay Pastor Quiboloy na nananatiling at large na matiwasay na sumuko at harapin ang mga reklamo laban sa kaniya.

Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng mariing pagkondena ni dating pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y labis at unnecessary force ng pulisya sa pagsisilbi ng arrest warrant sa Pastor.

Si Quiboloy ay nahaharap sa mga reklamong child prostitution, sexual abuse, at iba pang mga paglabag katulad ng pang-aabuso, cruelty o exploitation.
VERLIN RUIZ