PARA higit na ligtas ang mga batang mag-aaral at mga guro sa aksidente ng sasakyan, nakahain na ngayon sa Kamara ang panukalang batas ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda na nag-aatas sa pagkakaroon ng mga ‘overpass’ sa mga kalsadang malapit sa mga paaralan, lalo na sa kahabaan ng Pan-Philippine Highway.
Ayon kay Salceda, masyadong lantad sa mga aksidente ng sasakyan, lalo na ang mga batang mag-aaral na nagmamadaling pumasok sa klase o umuwi pagkatapos ng klase. Lalong problema ito kapag kumakapal ang trapiko sa naturang mga lugar.
Pinamagatang “Mandatory Overpass Act of 2019” ang nakahaing HB 9167 ni Salceda. Pangunahing layunin nito ang kaligtasan ng mga ‘pedestrian,’ lalo na ang mga batang mag-aaral na tumatawid sa abalang mga kalsada.
Sa ulat ng World Health Organization, pinuna ni Salceda na mahigit 270,000 ‘pedestrians’ ang namamatay sa aksidente sa sasakyan taon-taon, na 22 porsiyento ng 1.24 milyong namamatay sa kalsada kaugnay sa trapiko. Nagpapahiwatig ito na masyadong lantad ang mga ‘pedestrian’ sa sakuna kaysa ibang gumagamit ng kalsada.
Sa mga talaan, kumpirmadong mga kabataan ang karamihan sa naturang mga namamatay. Ito’y marahil dahil maliliit, hindi gaanong napapansin agad, at sadya naman talaga silang malilikot, dagdag niya.
Binigyang diin ni Salceda na dapat maging dobleng maingat ang mga motorista kapag nasa mga daang malapit sa mga paaralan, lalo na sa kahabaan ng mga pambansang lansangan. Isang ‘engineering intervention’ ang panukalang mga ‘overpass’ para sa kaligtasan ng mga ‘pedestrian’ sa aksidente, diin niya.
Magiging daan ang HB 9167 para maging ligtas din ang karaniwang paglalakad na magpapasulong pa sa kalusugan at pangangalaga sa kapaligiran.”
Sa ilalim ng HB 9167, pangungunahan ng Department of Public Works and Highways, sa tulong at pakikipag-ugnayan sa Department of Education, Technical Education and Skills Development Authority at Commission on Higher Education ang pagtukoy sa mga lugar, pagbalangkas sa mga gabay at panun-tunan ng programa at haba ng panahong laan dito.
Comments are closed.