DAHIL sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Domeng sa Mindnao at Visayan region ay naghahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), isa sa mga ahensiyang nasa ilalim ng National Disaster Risk Reduction Management para sa mga pangangailangan kung sakaling may mga pamilyang masalanta ng tropical depression.
Base sa DSWD Predictive Analytics for Humanitarian Response, posibleng umabot sa 188,334 na katao ang maapektuhan ng pagbaha at rain-induced landslide dahil sa bagyong Domeng kung saan 11,532 dito ay mahihirap na pamilya.
Ayon sa DSWD, mayroon silang stockpiles at standby funds na nagkakahalaga ng P1.155 billion.
Nabatid na nakapaloob sa nasabing halaga ang mahigit P207 million standby funds sa central office at field offices ng DSWD habang mahigit P165 milyon naman ang bahagi ng Quick Response Fund.
Samantala, mayroong kabuuang 485,636 na Family Food Packs (FFPs) din ang available para maipamahagi sakaling kailanganin.
Taglay ni Domeng ang lakas ng hangin na aabot sa 40 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 60 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 15 kilometro sa direksiyong Hilagang Kanluran.
Kung magpapatuloy ang bilis ng bagyo ay posibleng lumabas na ito ng bansa sa Linggo ng umaga. VERLIN RUIZ
Comments are closed.