MATATANGGAP na sa wakas ng mga guro sa state universities and colleges (SUCs) ngayong taon ang kanilang salary adjustment na matagal nang naantala
Ito ay matapos maaprubahan ang 2019 national budget na kinapapalooban ng pondo para sa job promotion.
“Tapos na ang paghihintay ng mga guro sa SUCs,” ayon kay Angara, vice chairman ng Senate Committee on Finance at pinuno ng sub-committee na tumalakay sa spending package ng Commission on Higher Education (CHED) at ng SUCs, matapos aprubahan ng dalawang sangay ng Kongreso ang P3.757-trillion budget para sa taong ito.
Ani Angara, base sa pinal na bersiyon ng 2019 General Appropriations Bill ay may inilaang P1.486 bilyon para sa job promotion ng mga guro sa SUCs.
Sa inisyal na panukala ni Angara, nais nitong P2.9 bilyon ang pondong dapat na ilaan sa job promotion na sasakop sa cycle of promotion mula 2013-2016 at nakatakda sanang ipatupad noong 2017 sa ilalim ng National Budget Circular (NBC) 461.
Ngunit kalahati lamang ang halagang inaprubahan ng bicameral conference committee sa kadahilanang huli na ang pag-apruba sa 2019 national budget.
“Bagama’t kalahati lamang ang naaprubahan sa bicam, malaking bagay na sa wakas ay may nakalaan nang pondo para sa promosyon ng mga guro sa pampublikong pamantasan at kolehiyo,” ani Angara.
“Makakaasa po ang ating mga guro sa SUCs na sisiguraduhin natin na sa susunod na taon ay matatanggap nila ang nalalabi pang halaga para sa kanilang job promotion,” dagdag pa ng senador.
Ang NBC 461 ay bumuo ng isang sistema na ang pangunahing layunin ay pag-aralan ang kakayahan at promosyon ng SUC faculty members. Gayunman, nitong nakaraang taon, walang isinumiteng alokasyon para rito ang Department of Budget and Management sa Kongreso.
Sinabi ni Angara na may 35,000 faculty members ng 109 SUCs ang posibleng makinabang sa tuluyang pagpapatupad ng NBC 461.
Tinatayang P42,500 o P7,000 kada buwan sa loob ng kalahating taon ang maaaring matanggap ng isang faculty member. VICKY CERVALES
Comments are closed.