ISANG task force ang pinabubuo ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee upang bumalangkas ng 5-year road map para sa development, modernization at pangangalaga o pagbibigay proteksiyon sa salt industry ng bansa.
Sa kanyang inihaing House Bill No. 5676, o ang Philippine Salt Industry Development, binigyang-diin ni Lee na kailangang lubos na masuportahan at mapangalagaan ng pamahalaan ang local salt stakeholders at kung hindi man ganap na alisin ay mabawasan nang malaki ang pag-angkat ng bansa ng asin.
Kaya naman sa panukala ng AGRI party-list congressman, sa magiging tungkulin ng Philippine Salt Industry Development Task Force, makabubuo ang gobyerno ng polisiya para sa pagpapabuti, pagpapalawak at pagpapanatili ng local salt production industry.
Sinabi ni Lee na magiging bahagi rin ng 5-year road map ang pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibong pakikibahagi ng lahat ng stakeholders para sa development, management, research, processing, utilization, business development, at commercialization ng Philippine salt.
Aminado si Lee na isang long-term task o mahabang proseso at malaking hamon ang pagbuhay sa industriya ng pag-aasin, subalit positibo ang pananaw ng mambabatas na kung masisimulan na agad, ang bawat taong darating ay katumbas ng unti-unti paghakbang tungo sa pagtatagumpay.
Sa ilalim ng House Bill No. 5676, kinikilala ang produktong asin bilang isang aquatic resource, kung kaya saklaw ito ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at kailangang kabilang sa mga panuntunan at programa na ipinatutupad para sa pangangalaga at pagpapaunlad ng lahat ng yamang-dagat ng bansa.
Mungkahi pa ni Lee, maglaan ng P1 billion na pondo para sa research and development ng salt production technology at sa iba pang gastusin sa unang tatlong taon ng pagpapatupad ng Philippine Salt Industry Development Roadmap.
Ikinalungkot ng AGRI party-list solon ang ulat ng Philippine Chamber of Agriculture and Food, Inc. (PCAFI) na 93 percent ng salt requirement ng bansa ay inaangkat pa, na katumbas ng 550,000 metric tons kada taon at sa nakalipas na 11 taon, ito ay $303 million
“This is a great tragedy because we are an archipelago with one of the longest shorelines in the world, yet we rely on other countries for an ingredient that is deeply ingrained in our life,” dismayadong pahayag ni Lee.
Kabilang sa itinuturong dahilan sa pagbagsak ng local salt farming ay ang pollution, coastal erosion, at iba pang environmental o climate change-related reasons at pag-develop sa mga baybaying dagat para sa tourism at iba pang commercial purposes.
ROMER R. BUTUYAN