INAPRUBAHAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang provisional P1 increase sa pasahe sa bus sa Metro Manila at provisional fare adjustments para sa provincial bus operations.
Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra III, ipatutupad ang pisong taas-pasahe sa unang limang kilometro at dagdag na 15 sentimos sa mga susunod na kilometro.
Epektibo ang bus fare hike 15 araw matapos mailathala sa pahayagan ang anunsiyo, posibleng sa unang linggo ng Nobyembre.
Una rito ay inaprubahan na rin ng LTFRB ang P10 minimum fare sa jeep.
Inaprubahan ng regulators ang dagdag-pasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Sinabi ni Delgra na sakop ng fare increase ang lahat ng bus services, kabilang ang ordinary, air-conditioned at deluxe units.
Sa desisyon ng LTFRB, ang pasahe sa ordinary bus sa Metro Manila ay tataas sa P11 mula sa kasalukuyang P10 para sa unang limang kilometro. Para sa mga susunod na kilometro, ang rate ay mananatili sa P1.85.
Ang fare rates sa airconditioned bus ay magiging P13 mula sa kasalukuyang P12 para sa unang limang kilometro, habang ang rate para sa susunod na kilometro ay mananatili sa P2.20.
Para sa provincial bus, mananatili sa P9 ang pasahe sa ordinary bus sa unang limang kilometro, habang ang rate sa susunod na kilometro ay itinaas sa P1.55 mula sa kasalukuyang P1.40.
Sa regular air-conditioned bus, ang minimum fare ay tumaas sa P1.75 kada kilometro mula sa P1.60.
“De Luxe aircon bus: Minimum fare increased to P1.85 per kilomter from P1.70. Super de luxe aircon bus: Minimum fare increased to P1.90 per kilometer from P1.80. Luxury aircon bus: Minimum fare increased to P2.25 per kilometer from P2.40,” nakasaad pa sa desisyon ng LTFRB.
“All PUB operators shall post a fare matrix duly issued by the Board inside their public utility bus that would be continuously seen seen by the riding public. Otherwise, PUB operators shall not be allowed to collect/charge the fare adjustment as provided herein,” ayon pa sa desisyon.
Samantala, humingi ng pang-unawa ang Malakanyang sa publiko sa dagdag-pasahe sa bus at jeep.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tiyak na babalik din sa dati ang pamasahe kapag kumal-ma na ang merkado.
Aniya, sa ngayon ay kinakailangang kagatin muna ang taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Nagbabala naman ang National Economic and Development Authority (NEDA) sa posibleng inflationary impact ng fare hikes sa jeep at bus.
“Well, anything that increases the cost of service increases inflation,” pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at NEDA Director General Ernesto Pernia sa sidelines ng EU-Philippines Business Summit sa Parañaque City.
“I think, we only approved 50 centavos … Additional 50 centavos,” ani Pernia.
Hindi naman masabi ng NEDA kung ano talaga ang magiging epekto ng dagdag-pasahe sa inflation.
“We have to find out what the quantitative effect will be,” ani Pernia.
Sa isang liham kay Delgra, sinabi ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillion na ang provisionary increase na inaprubahan ng LTFRB ay bahagyang magtataas sa annual inflation rate ng 0.076-percentage point kapag ipinatupad simula Oktubre.
“Its inflationary impact will, however, result in higher inflation in 2019 as it is estimated to contribute 0.221-percentage point to the country’s annual inflation next year,” sabi ni Edillon.
Comments are closed.