P1 TRILLION PPP INVESTMENT PARA SA IRIGASYON

DAHIL pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr. na pasiglahin ang sektor ng agrikultura sa bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng irigasyon, nakatutok ngayon ang National Irrigation Administration (NIA) sa Public-Private Partnership (PPP) para higit na mapabilis ang pagpapaunlad ng irrigation system sa bansa.

Ang pagpopondo ay isa sa mga pangunahing operational isyu ng NIA, gaya rin ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

Base sa datos, ang tinatayang gastos sa pagpapaunlad ng mga lupaing walang patubig ay umaabot sa 594.76 bilyong piso.

Dahilan upang manawagan si Pangulong Marcos, Jr. para sa paggamit ng Public-Private Partnership (PPP) sa mga proyektong impraestruktura ng pamahalaan.

Kaya agad na kumilos si Administrator Benny Antiporda para pag-aralan ang aplikasyon ng PPP sa mga proyekto ng NIA.

Sa loob ng dalawang buwan, mayroon na ngayong kabuuang investment pledge ang NIA na higit sa isang trilyong piso mula sa mga potensyal na pribadong kasosyo, na magbibigay-daan sa NIA na ituloy ang mga proyektong patubig nito nang walang balakid dahil sa limitadong pondo.

Ang NIA ay nahaharap sa isyu ng mababang economic viability ng mga proyekto nito, kung isasaalang-alang ang pangunahing layunin ng mga proyekto ng NIA na patubigan ang mga lupang pangsakahan ng mga magsasaka sa mababang halaga na mangangahulugan ng mababang tubo na hindi kaakit-akit sa potential private partners.

Kasalukuyang pi­nag-aaralan ng ahensiya ang pagdaragdag ng investment opportunities na maaaring mapabuti ang aspetong pinansiyal ng mga proyekto ng NIA na posibleng mailapat sa mga proyekto ng PPP upang magbigay ng makatwirang return of investment (ROI) sa mga partner-investor.

Sinasaliksik din ng NIA ang mga carbon credit na kikita ng dolyar para sa mga namumuhunan at kasabay nito ay matutugunan din ang isyu ng climate change hindi lamang ng Pilipinas kundi sa buong mundo.

Sinasabing ang PPP ay magpapabilis sa infrastructure development ng NIA at susuporta naman sa patubig na kailangan ng mga magsasaka na sagot sa minimithing food security ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos para sa Pilipinas. VERLIN RUIZ