POSIBLENG maantala ang implementasyon ng sampung pisong mini¬mum na pamasahe sa jeep.
Ito ang pahayag ni Land Transportation Franchsing Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III makaraang maghain ng motion for reconsideration ang ilang commuters group.
Ang nabanggit na dagdag singil sa mga pampasaherong jeep ay nakatakda sanang ipatupad sa Nobyembre 3.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Delgra na natanggap na nila kahapon ang pagtutol sa dagdag singil sa pasahe ng isang oppositor at commuters group na United Filipino Consumers and Commuters.
Sinabi ni Delgra na nakatakdang talakayin ng board ngayong araw ang mosyon at pipiliting madesisyunan sa loob ng 15 araw para maihabol ang dagdag pasahe na ipatutupad sa Nobyembre 3.
Noong Oktubre 15 ay naisagawa ang publication ng dagdag sa pasahe at labing limang araw pagkatapos ng pagkakalathala ay saka magiging epektibo ito.
Samantala, inanunsiyo ni Delgra na ang ipamamahaging fare matrix sa mga jeepney operator para sa bagong singil sa pasahe ay babayaran ng P50.00 bukod pa sa one time fee kada prangkisa na nagkakahalaga naman ng P250. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.