NAGLAAN ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P10 million para magbigay ng trabaho sa may 3,000 manggagawa sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Usman.
Ayon sa DOLE, ang paunang halaga ay magkakaloob ng kagyat na short-term income sa mga apektadong manggagawa, karamihan sa kanila ay mga magsasaka.
Ang mga benepisyaryo ay bibigyan ng trabaho sa 10-day community work na magkakaloob ng minimum salary na P305 kada araw sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Samantala, ang mga pamilya ng aktibong overseas Filipino workers (OFWs) ay tatanggap ng P3,000 halaga ng tulong mula sa Overseas Workers Welfare Administration, habang P1,500 ang ibibigay sa mga pamilya ng inactive OFWs.
“Skills training, livelihood assistance, and provision of grants and loans are also available for displaced workers,” ayon sa DOLE.
Kasalukuyan na umanong isinasagawa ang profiling sa mga displaced worker sa areas tulad ng Sagñay, Camarines Sur at Tiwi, Albay.
Hanggang noong Biyernes, umabot na sa 122 katao ang iniulat na nasawi kay ‘Usman’, karamihan ay nagmula sa Bicol, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
May 75,326 pamilya naman o 308,451 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa Bicol, Eastern at Western Visayas, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.