P10K SA10K KAWANI NG MANILA CITY HALL

MANILA CITY HALL-3

MAGIGING maganda ang pasok ng  taong 2021 sa halos 10,000 regular employees ng Manila City Hall .

Ito’y matapos na lagdaan  ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang ordinansa na maglalaan ng tig-P10,000 na Service Recognition Incentive (SRI) o kabuuang P92.8 milyong grant para sa may 9,282 regular personnel ng city hall, alinsunod sa Administrative Order No. 37 na inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre 18, 2020.

Ayon sa alkalde, ito’y isang munting pa­raan ng lokal na pamahalaan upang kilalanin at pasalamatan ang pagsusumikap, suporta at dedikasyong inilaan ng mga city personnel sa mga trabahong itinalaga sa kanila, kaya natitiyak ang tagumpay ng mga programang ipinatutupad.

Binigyang-diin ni Moreno na walang proyekto ng lungsod ang maayos na maipapatupad kung hindi sa tulong, pag-susumikap at mahusay na pagtatrabaho ng kanilang mga empleyado, kahit pa sa panahon ng pandemya.

Samantala, pinuri rin at pinasalamatan ng alkalde ang Manila City Council, na pinamumunuan ni Lacuna at majority floorleader Atty. Joel Chua dahil sa mabilis na pagpapasa sa ordinansa para sa kapakinabangan ng mga rank-and-file employees ng lungsod.

Sinabi ni Chua na ang naturang SRI ay popondohan sa pamamagitan ng pagdaragdag sa Special Activities Fund – Personal Service Account mula sa Personal Service savings sa ilalim ng FY 2020 Annual Appropriations Ordinance.

Inaasahan namang mailalabas ang naturang SRI sa Enero, 2021. VERLIN RUIZ

Comments are closed.