P12-M NALUGI SA ‘FISH KILL’ SA LAKE SEBU

FISH KILL

HINDI bababa sa P12 million ang halaga ng nalugi sa mga fish cage operator dahil sa fish kill sa Lake Sebu, South Cotabato, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa isang public hearing, sinabi ni BFAR Information and Fisherfolk Coordination Unit chief Nazario Briguera na ang fish kill ay maaaring sanhi ng pagbaba ng oxygen level sa lawa, pagbabago sa panahon, at polusyon.

Ayon kay Briguera, nagkaroon din ng fish kill sa lawa noong nakaraang taon dahil sa pagbaba ng oxygen level.

Sinabi niya na inirekomenda nila sa local government unit (LGU) ang pag-regulate sa paglalagay ng fish cages sa lawa upang maiwasan ang overcrowding dahil ayon, aniya, sa batas pangisdaan, kailangan ay nasa 10% lamang ang ginagamit na bahagi ng isang lawa para masabing sustainable ito.

Pero kung hindi, aniya, siya nagkakamali, sa ngayon ay nasa 23% ang ginagamit sa Lake Sebu para sa fish farming at hindi ito makabubuti sa lawa.

“Mayroon po talagang nangyayari diyan na overcrowding dahil sabi ko nga ang posibleng dahilan ng fish kill ay ‘yung pollution. ‘Yung mga unconsumed feeds doon sa mga pinapakain sa mga isda at possible ding nagkakaroon ng pagkaharang ng mga daluyan ng tubig at naapektuhan ‘yung sirkulasyon ng tubig doon sa lugar,” dagdag pa niya.