P130-M PALAY, MAIS NAPINSALA

PALAY-MAIS-2

NAKARANAS ng matinding init ng panahon ang probinsiya ng Maguindanao.

Batay sa datos na inilabas ng Maguindanao Provincial Agriculture Office, umaabot na sa P130 milyong halaga ng mga pananim na palay at mais ang napinsala dahil sa El Niño phenomenon.

Sinabi ni Maguindanao Agriculture Officer Vic Giabel na 29 sa 36 bayan sa lalawigan ang apektado ng tag-init mula pa noong Enero hanggang Marso.

Sa pagtaya ng Agriculturist Office,  aabot sa 8,500 magsasaka ang apektado ng tagtuyot at nangangailangan ng agarang ayuda.

Ayon kay Giabel, kabilang sa mga grabeng naapektuhan ng tag-init ay ang Datu Montawal,Pagalungan, Buldon, Barira, Matanog, Upi, Talayan, Datu Salibo, Salipada K. Pendatun, Datu Hoffer, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Paglat, Datu Paglas at Pandag.

Nabatid na inirekomenda na ni Giabel sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang pagsasagawa ng cloud seeding sa probinsiya para maibsan ang epekto ng tagtuyot.

Nakatakdang magpulong ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Maguindanao para pag-aralan ang posibleng pagdedeklara ng state of calamity sa laalwigan.

Samantala, pumalo na sa P92 milyon ang tinatayang halagang napinsala sa mais dahil sa tagtuyot, habang nasa P9 milyon naman sa palay sa Isabela.

Ayon kay Provincial Agriculturist Dr. Angelo Naui ng Provincial Government of Isabela, batay sa kanilang datos ay may walong munisipalidad at isang lungsod sa Isabela, kabilang ang bayan ng Tumauini, Sta Maria, Benito Soliven, Echague, San Mariano, Gamu, Burgos, San Agustin at Cauayan City ang nasiraan ng pananim na mais na umaabot sa 18,664 hectares habang nasa 1,200 ang totally damaged at 17,300 ang partially damaged.

Anim na munisipalidad at isang lungsod, kabilang ang Sto. Tomas, Sta. Maria, Gamu, Naguillian, Echague, Angadanan at Cauayan City, ang nasiraan naman ng pananim na palay na umaabot sa 5,500 hectares. Nasa 291 ang totally damaged at 5, 235 ang partially damaged.

Napag-alamang karamihn sa mga nasiraan ng mga pananim ay umaasa lamang sa tubig ulan.

Idinagdag pa ni Naui na nakahanda ang provincial government ng Isabela na magbigay ng tulong sa mga maliliit na magsasakang nasiraan ng pananim bunsod ng El Nino.

Ito ay sa tulong na rin ng BRO Paniguro sa Pananim Program ng Provincial Government ng Isabela. BENEDICT ABAYGAR, JR.