INIULAT ng national government na may kabuuang P159.096 billion ang napunta sa pagbabayad ng ilan sa mga utang nito para sa buwan ng Mayo upang umabot ang total debt payments para sa unang limang buwan ng taon sa P385.142 billion, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Sa pinakabagong datos mula sa BTr, ang P159.096 billion debt payment ng pamahalaan ay mas mataas ng 102.96 percent sa P78.387 billion na isinagawa sa kaparehong buwan noong 2017.
Para sa nasabing buwan, ang amortization payments na umabot sa P137.985 billion ay mas mataas sa interest payments na isinagawa ng gobyerno na nasa P21.111 billion.
Ang amortization ay tumaas ng 140.3 percent kumpara sa P57.421 billion na isinagawa noong Mayo 2017. Mayorya ng pagtaas sa amortization para sa Mayo ngayong taon ay maaaring bunga ng pagbabayad ng local maturing securities na nagkakahalaga ng P130.525 billion.
Sa kabuuan, ang domestic amortization para sa Mayo ay nagkakahalaga ng P130.636 billion, habang ang foreign amortization ay nasa P7.349 billion.
Nauna rito ay sinabi ni National Treasurer Rosalia V. de Leon na ang maturing government securities na nagkakahalaga ng P130 billion para sa Mayo ay pinondohan ng BTr sa pamamagitan ng Bond Sinking Fund (BSF) nito.
“First of all, remember we have a BSF, we have already been making contributions in anticipation of particularly the chunky ones [maturities], because it would be imprudent on our end if we’ll just leave it to the auctions to fund the maturity,” wika ni De Leon.
Ang interest payments para sa buwan ay bahagyang tumaas ng 0.6 percent kumpara sa P20.966 billion noong Mayo 2017. Malaking bahagi ng interest payments ay napunta sa domestic fixed rate Treasury bonds na nagkakahalaga ng P16.587 billion.
Sa kabuuan, ang domestic interest payments ay nasa P18.634 billion habang ang foreign interest payments ay P2.477 billion para sa Mayo.
Para sa January-May period ngayong taon, may kabuuang P385.142 billion ang napunta sa pagbabayad ng ilan sa utang ng pamahalaan kapwa mula sa local at offshore lenders. Mas mataas ito ng 9 percent kumpara sa P353.326 billion sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon. REA CU
Comments are closed.