NIRATIPIKAHAN na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang bicameral conference committee report para sa P165.5 billion na Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 ay may P140 billion na available funds habang P25.5 billion naman ang inilaan na standby fund.
Nakapaloob sa Bayanihan 2 ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa low-income households sa mga piling lugar na nasa ilalim ng hard lockdown dahil sa mataas na kaso ng COVID-19, mga household na may kababalik na OFW at mga displaced worker.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay para sa pautang at assistance sa MSMEs-P39.47 billion, assistance sa agriculture at fisheries- P24 billion, dagdag na hiring ng health care workers- P13.5 billion, cash for work program- P13 billion, tulong para sa PUV drivers at iba pang programa ng DOTR- P9.5 billion, hiring ng dagdag na contact tracers- P5 billion at pagtatayo ng temporary medical isolation at quarantine facilities, gayundin ang expansion ng kapasidad ng government hospitals- P4.5 billion.
Binibigyan ng 60 araw na moratorium ang mga may utang sa bansa habang 30 araw naman na palugit sa mga hindi agad makakapagbayad ng koryente, tubig, at renta ng bahay o puwesto ng negosyo na nasa ilalim ng ECQ at MECQ.
Nakapaloob naman sa P25.5 billion na standby fund ang P10 billion na pambili ng COVID-19 vaccines at testing.
Ang Bayanihan 2 ay may bisa o validity hanggang Disyembre 19, 2020.
Pinakakontrobersyal naman sa Bayanihan 2 ang P10 billion na pondo para sa industriya ng turismo na hinati na lamang sa P6 billion para sa assistance sa MSMEs na nasa turismo sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), P3-B para sa mga manggagawang nawalan ng trabaho sa tourism industry, at P1-B naman para sa tourism-infrastructure program ng Department of Public Works and Highways (DPWH). CONDE BATAC
Comments are closed.