SULU- NASABAT ng pulisya ang mahigit P17 milyon halaga ng ismagel na mga sigarilyo sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa lalawigang ito.
Ayon kay Brig. Gen. Prexy Tanggawohn, director ng Police Regional Office in Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), nasa P5.6 milyong halaga ng ismagel na sigarilyo ang nasamsam sa Patikul matapos na i-report ng isang residente sa mga awtoridad ang tungkol sa mga kontrabandong ibinababa sa isang coastal barangay.
Nahuli sa akto ng mga operatiba ang isang lalaki na nagbabagsak ng nasa 97 kahon ng kontrabandong sigarilyo na pinaniniwalaang mula sa Malaysia.
Inaresto at nakaditine ang hindi tinukoy na lalaki.
Samantala, noong Miyerkules ay arestado naman ang dalawang menor de edad sa Barangay Kajatian, Indanan matapos makuhanan ng 210 kahon ng assorted na ismagel na sigarilyo.
Nagkakahalaga ito ng mahigit P12 milyon.
Ayon kay Tanggawohn, nasa kustodiya ng Indanan police ang mga menor de edad habang itururn-over sa Bureau of Customs ang mga nakumpiskang kontrabando. EVELYN GARCIA