MAHIGIT P19 milyong halaga ng tulong ang iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa 3,606 manggagawa sa informal sector at overseas Filipino worker (OFW) sa Pangasinan nitong linggo.
Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Sabado ang paggawad ng tulong sa piling benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers Program (TUPAD), DOLE Integrated Livelihood Program, at Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) Program sa magkahiwalay na seremonya sa San Carlos City at Rosales.
Sa kabila ng pandemya, nangako si Bello na patuloy itong magbibigay ng tulong sa manggagawa saan man lugar ng bansa sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pinansiyal, emergency employment, at pangkabuhayan ng DOLE na ipinatutupad ng regional office nito.
Sa San Carlos, 847 benepisaryo ng TUPAD ang nakatanggap ng sahod na nagkakahalagan ng kabuuang P4 milyon, samantalang 677 benepisaryo mula sa munisipalidad ng Umingan, San Quintin, Balungao, at Tayug ang tumanggap ng sahod na nagkakahalaga ng kabuuang P2.3 milyon sa ilalim ng programang emergency employment ng DOLE.
Isang grupo ng 1,498 benepisaryo mula sa Munipalidad ng Binalonan ang nakatanggap ng sahod na nagkakahalaga ng kabuuang P8.5 milyon at 496 benepisaryo mula sa Umingan ang nakatanggap ng sahod na nagkakahalaga ng P2.8 milyon.
Maliban sa sahod ng benepisaryo ng emergency employment, personal ding inabot ni Bello ang tulong-pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P1.4 milyon sa 72 benepisaryo ng Umingan, Pangasinan.
Ang tulong ay gagamitin ng benepisaryo para sa kanilang proyektong pangkabuhayn kasama dito ang pagsasaka, agricultural supply trading, sari-sari store, at rice retailing.
Panghuli, personal na iginawad ni Bello ang tig-P10,000 bawat isa sa 16 na benepisaryo ng programang AKAP sa San Carlos City at Rosales. Tinanggap ito ng mga OFW na ang kanilang kinikita ay naapektuhan ng pandemyang Covid-19.
Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration sa Region 1 na nitong Nobyembre 28, may 11,261 OFW sa rehiyon ang nakatanggap ng tulong-pinansiyal na nagkahahalaga ng kabuuang P112 milyon sa ilalim ng programang AKAP. PAUL ROLDAN
Comments are closed.