LA TRINIDAD- UMAABOT sa P2.195 milyong cash assistance mula sa Benguet provincial government ang naipamahagi sa 439 child development workers (CDWs) sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) noong Miyerkoles.
Ang nasabing CWDs mula sa 13 bayan sa lalawigan ng Benguet ay mga barangay worker na may taunang financial assistance sa ilalim ng Provincial Order 15-172 na inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong Hunyo 2015.
Ang nasabing halaga ay bilang pagkilala ng provincial government sa barangay workers sa community building.
Ayon kay PSWDO head Juana Bannawe, sa nakalipas na mga taon ay hinati sa dalawang grupo ang CDWs kung saan bawat grupo ay binigyan ng cash aid subalit sa desisyon ni Benguet Gov. Melchor Diclas ay ipinagkaloob na lamang ng one time cash assistance ang lahat ng CDWs.
Kabilang sa mga bayan na nabiyayaan ng cash assistance ay 20 CDWs mula sa bayan ng Atok (P100,000); 23 mula sa Bakun (P115,000); 37 sa Bokod ( P185,000); P145,000 para sa 29 CDWs sa Buguias; 45 CDWs naman sa Itogon (P225,000); P110,000 para sa 22 CDWs sa bayan ng Kapangan.
Samantala, 29 CDWs sa bayan ng Libungan ay nakatanggap ng P145,000; 60 CDWs sa La Trinidad (P300,000); P280,000 para sa 56 CDWs sa Mankayan habang P40,000 sa 8 CDWs sa Sablan; P185,000 sa 37 CDWs sa Tuba at 28 CDWs sa Tunay na P140,000.
Nabatid na nagtungo sa iba’t ibang bayan ang team ng PSWDO para maipamahagi ang cash aid upang hindi mahirapan ang CDWs na pumunta sa La Trinidad o sa ibang bayan na may Automated Teller Machines (ATMs). MHAR BASCO
Comments are closed.