TINIYAK ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB ) Chairman Atty Martin Delgra na may darating pang 15 modern jeepneys ngayong Enero sa General Santos City.
Napag-alaman na tampok si Delgra sa pinakaunang Transport Operators and Drivers Association (TODA) Summit na nilahukan ng iba’t ibang grupo at asosasyon ng mga transportasyon sa lungsod.
Nauna nang sinabi ni Atty. Arnel Sapatos, city administrator na 1,600 ang dadalo sa nasabing pagtitipon matapos kinilala ang General Santos City na unang nagpatupad ng local public transport route plan para resolbahin ang gusot sa transportasyon.
Ayon kay Sapatos suportado ng local government units (LGUs) ang Public Transport Alliance of GenSan (PTAG) na nabigyan ng unang 15 bagong units ng modern jeep na dumating kamakalawa.
Idinagdag pa nito na marapat lamang na palitan na ang mga bulok o lumang public utility vehicle (PUV) kung kayat ipinatupad ang modernization program ng pamahalaan ngayong taon.
Nabatid na ang 22 seaters modern jeep na mas malaki at malawak kaysa sa jeep at multicab na may aircon, CCTV camera at Global Positioning System (GPS) ay gumagamit ng tap card sa pamasahe.
Nagkakahalaga ang bawat isa ng P2.3 milyon gamit ang diesel engine na Euro 4 compliant. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.