SA IKALAWANG pagkakataon ngayong taon ay magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng bawas-presyo simula ngayong Martes.
Sa magkakahiwalay na abiso, sinabi ng Cleanfuel, Petro Gazz at Seaoil na may P1.85 rollback sa presyo ng kada litro ng diesel at P2.30 sa kada litro ng gasolina epektibo alas-6 ng umaga.
Magpapatupad din ang Seaoil ng P1.65 tapyas sa kada litro ng kerosene.
Ayon sa mga taga-industriya, may rolbak dahil maglalabas ng reserbang langis galing sa kanilang strategic petroleum reserve ang Estados Unidos, at may development sa usapan sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.
Noong Martes, Marso 29, ang mga kompanya ng langis ay nagpatupad ng P3.40 dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina, P8.65 sa kada litro ng diesel, at P9.40 sa kada litro ng kerosene.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P18.30 kada litro, diesel ng P27.85 kada litro, at kerosene ng P25.75 kada litro.