P2.4-B LUGI NG PH KAPAG MAY BAHA

Committee-Chairman-Winston-Castelo

IMINUNGKAHI  ni Metro Manila Development Committee Chairman Winston Castelo ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte para solusyunan ang problema sa matinding pagbaha sa Metro Manila.

Ang rekomendasyon para sa emergency powers sa Pangulo ay dahil na rin sa mabagal na paggawa ng mga flood project at ang lugi ng bansa kapag may baha na umaabot sa P2.4 bilyon kada araw.

Paliwanag ni Castelo, ang panukalang pagbibigay ng emergency powers sa Pangulo ay layong maiwasan ang red tape at para bilisan din ang paggawa sa mga anti-flood projects na gagawin ng DPWH.

Inirekomenda rin ng kongresista ang panukala para sa Flood Summit kung saan dito maaaring talakayin ang detalye para sa isinusulong na emergency powers para sa Pangulo.

Dagdag pa ng mambabatas kailangan nang madaliin ang Metro Manila Flood Control Management Project dahil naglaan naman na ang Asian Infrastructure Investment Bank (AIIB) at World Bank (WB) ng P25 bilyon na pondo para rito.     CONDE BATAC