P2.4-B TAX DEFICIENCIES NG MGA KOOPERATIBA TARGET MAKOLEKTA NG BOC

BOC-POM

NASA  P2.4 billion na tax deficiencies na natuklasan sa post-clearance audit ng mga kooperatiba na umangkat ng bigas noong 2019 at 2020 ang hahabulin ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sa  post-clearance audit na isinagawa sa rice imports para sa 2019 ay lumitaw na 48 kooperatiba ang may tax deficiencies na P1.4 billion.

Sa kanyang report kay Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi ni Guerrero na ang 48 kooperatiba ay nagmula sa  initial batch ng top 60 importers mula sa listahan ng mahigit sa 320 kooperatiba na umangkat ng bigas noong nakaraang taon.

“They have been issued audit notices and subsequent demand letters for the payment of additional duties and taxes as a result of the under declarations (of their imports),” sabi ni Guerrero sa Department of Finance (DOF) Executive Committee (Execom) meeting kamakailan.

Aniya, kinukuwestiyon ng ilang rice importers na may tax deficiencies ang demand letters, na nagpabagal sa pangongolekta ng ahensiya ng karagdagang buwis mula sa mga ito.

Para sa taong ito, sinabi ni Guerrero na sa pagtaya ng BOC, sa post-clearance audit ng isa pang set ng top 60 importers ay makakakolekta ng karagdagang P1 billion sa tax deficiencies sa undervalued rice imports.

Comments are closed.