UMAABOT sa P2.9 bilyon ang inilaan ni Senador Sonny Angara upang mapondohan ang national spending package sa susunod na taon para sa job promotion ng mga guro at faculty members ng state universities and colleges (SUCs) sa iba’t ibang panig ng bansa.
“Matapos nating gawing libre ang matrikula sa mga SUC, dapat ay siguruhin naman ngayon ng gobyerno na epektibo at mahusay ang kalidad ng higher education sa mga pampublikong paaralan. Isa sa mga paraan upang maisakatuparan ito ay ang pagkakaloob ng advancement opportunities sa SUC teachers,” ani Angara, isa sa mga may akda ng Free College Education Law.
Ang Senate committee on finance, kung saan vice chairman si Angara, ang naatasang mag-sponsor sa budget ng Commission on Higher Education at ng SUCs para sa taong 2019.
Pangunahing popondohan ng P2.9-B ang pagpapatupad ng National Budget Circular o NBC 461, isang sistemang mag-aaral sa promosyon ng SUC faculty members na dapat ay nai-palabas na nang buo noon pang 2017.
Nabatid na walang anumang pondong inilaan sa NBC 461 Cycle 7 para sa mga taong 2013-2016 dahil pansamantala itong ipinatigil ng Department of Budget and Management (DBM).
Hindi rin ibinilang ng DBM sa panukala nitong P3.757 trilyon pondo na isinumite sa Kongreso ang SUC faculty promotion.
“Napakatagal na dapat itong naipatupad. Hindi na natin dapat pinaghihintay nang matagal ang ating mga guro lalo na’t karapat-dapat naman silang bigyan ng promosyon. Kung kaya namang pondohan ngayong darating na 2019, ‘wag na natin silang paghintayin at muling paasahin sa mga susunod na taon,” pagdidiin ni Angara.
Sa datos, lumalabas na 35,000 faculty members ang dapat sana’y nakikinabang na mula sa pondo ng NBC 461.
Ani Angara, pinakamainam na pabuya para sa mga magagaling at masisipag na guro ang job promotion at ang pagpapataas ng kanilang sahod.
“Kung maayos ang kanilang mga natatanggap na benepisyo, tiyak na mas magiging dekalidad ang ating edukasyon sa public higher education.”
Isa ang salary increase sa mga panukalang matagal nang isinusulong ni Angara mula nang magsimula ito bilang lingkod-bayan. VICKY CERVALES
Comments are closed.