P2-M AYUDA SA MGA BACKYARD HOG RAISER SA ISABELA

Baboy

UMAABOT sa P2 million ang halaga ng ayudang ipinagkaloob ng Isabela government sa mga backyard hog raiser na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa tatlong ba­yan–ang Gamu, Roxas, at San Manuel, Isabela.

Ang nasabing halaga ay personal na iniabot ni Isabela Governor Rodito Albano sa mga may-ari habagn P2,500 ang ibi­nigay sa bawat baboy na isinailalim sa culling bilang tulong sa mga naapektuhan ng ASF.

Unang tinungo ni Albano ang bayan ng Gamu, Isabela at ipinagkaloob niya ang kabuuang P387,500 na bayad pinsala sa 39 na backyard hog raisers na apektado ng ASF.

Umaabot sa 155 na baboy ang isinailalim sa culling at 82 rito ang mula sa barangay Mabini at 78 naman ang mula sa Barangay Union ng bayan ng Gamu.

Sunod namang tinu­ngo ng grupo ni Albano ang Roxas, Isa­bela, at ipi­nagkaloob ang P385,000 sa 36 na backyard hog raisers na apektado, 182 na baboy ang ibinaon sa lupa at 19 dito ang mula sa Barangay Bantug at 33 naman sa Barangay San Antonio, Roxas.

Pinagkalooban din ng pamahalaang panlalawigan ng P727,500 ang San Manuel, Isabela bilang tulong sa 36 na backyard hog raisers ng 291 na baboy na isinailalim sa culling.

Samantala, tiwala ang pamahalaang panlalawigan na hindi apektado ang supply at presyo ng karne ng baboy sa mga bayan na may kaso ng ASF matapos na isai­lalim sa culling ang 955 na baboy mula sa 155 backyard hog raisers sa lalawigan. IRENE GONZALES

Comments are closed.