P2 TAAS PASAHE SA JEEP, PAG-AARALAN NA NG LTFRB

NAKATAKDANG pag-aralan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at National Economic and Development Authority (NEDA) ang P2 fare hike petition ng mga jeepney opera-tor bunsod ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Ayon sa LTFRB, nakatakda nilang pag-aralan ang inihaing P2 taas-pasahe ng mga jeepney operator.

Kung maaaprubahan ay magiging P10 na ang minimum fare mula sa dating P8 lamang kung saan ayon sa petitioners ay para makaagapay sila sa epekto ng magkakasunod na oil price hike.

Wala pang inilabas na petsa ang LTFRB kung kailan nila pag-aaralan ang nasabing petisyon.

Nabatid na bukod sa mga luma o regular jeepney operators, maging ang mga may-ari ng mga modernized  fleets ay humihiling din ng fare increases para makatugon sa kanilang mga gastusin para lamang makatupad sa itinakdang standards ng gobyerno ayon sa LTFRB.

Sinasabing nais ng operators na itaas ang kanilang base fare sa P10 para sa non-airconditioned units at  P12 naman para sa air-conditioned units mula sa kasalukuyang walong piso.

Ayon kay LTFRB board member Aileen Lizada, ang modern jeepneys ay may mga nakakabit na surveillance cameras, WiFi, dashboard cameras at automated fare collection systems.

“It is no joke to invest in all of them,” ani Lizada.

Bukod sa nasabing base fare hike, nais din ng modern fleets operators na magtakda ng “Rush Hour Rate” na dagdag piso sa mga non-airconditioned habang P2 naman sa mga air-conditioned units, tuwing peak hours.

Planong ipatupad ang rush hour rates mula alas-5 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at  alas-5 ng hapon naman hanggang alas-8 ng gabi.

Ayon kay Lizada, magkatuwang nilang diringgin ng NEDA ang fare increase petitions para matukoy ang posib­leng  social im-pact ng nasabing fare  adjustment.   VERLIN RUIZ

 

 

Comments are closed.