MAHIGIT P21 milyon ang naipong donasyon ni Manila Mayor Isko Moreno na nagmula sa iba’t ibang sektor at pribadong mamamayan na naniniwala sa malinis na pamumumuno nito sa Lungsod.
Ito ang dahilan kaya nagpahatid ng pasasalamat si Moreno sa lahat ng mga nagpadala at patuloy na nagpapadala ng kanilang donasyon para sa nakalatag na iba’t ibang proyekto ng lungsod.
Ayon kay Moreno, ang P21.7 milyon na nalikom na donasyon ay noong nagsimula itong manungkulan bilang alkalde ng Maynila noong Hulyo 2019.
Nabatid na gugugulin umano ang nalikom na donasyon sa pagpapagawa ng vertical housing projects para sa mga informal settler, public health facilities at iba pang proyekto.
Ani Moreno, malaking tulong ang nabanggit na donasyon para maisakatuparan ang bawat proyekto sa lungsod at ang paghahayag ng nasabing pondo ay bilang bahagi ng transparency ng lokal na pamahalaan ng Maynila.
Kaugnay nito, iniimbitahan ni Moreno ang mga nais mag-avail ng libreng operasyon sa cleft lip at palate na hatid ng Sta. Ana Hospital at Operation Smile.
Maaaring mag-register sa numerong 0995-7665091 at 0908-1752271 ang mga nais magpa-opera kung saan sa Abril 13 ang screening habang sa Abril 16 at 17 naman ang operasyon. VERLIN RUIZ
Comments are closed.