NEGROS OCCIDENTAL- NASA P21 milyong ang halaga ng shabu ang nasamsam ng Philippine National Police –Police Regional Office 6 sa isinagawang magkahiwalay na anti narcotics operations sa lalawigang ito.
Sa walang humpay na anti illegal drug campaign ng PRO6, nasakote ang tatlong itinuturing na big time drug dealers sa dalawang magkahiwalay na drug bust operation sa Silay City, Negros Occidental kung saan nasamsam ang humigit-kumulang sa 3,122 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P21,229,600.00 nitong nakalipas na Linggo.
Kinilala ni PNP-PRO6 Director Brig. General Leo Francisco ang naarestong magkapatid na sina Angie Dumdumaya y Aguilar, 30- anyos at Angielyn Dumdumaya y Aguilar, 25-anyos, kapwa residente ng Barangay Lantad, Silay City sa isang buy-bust operation dakong alas-10:05 ng umaga matapos pagbentahan ng isang sachet ng shabu ang isang poseur-buyer sa halagang P 30,000.00.
Umabot sa 2,010 gramo ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasamsam sa magkapatid na tinatayang nasa P13,668,000.00 ang presyo ng droga.
Inilunsad ng pinagsanib na elemento ng Regional Police Drug Enforcement Unit 6 at Silay Component City Police Station (SCCPS) ang operasyon.
Samantala, dakong alas- 9:45 ng gabi isa pang matagumpay na anti-drug sting na ginawa ng SCCPS sa Barangay Rizal, Silay City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Mark Villaran y Aguilar,36-anyos.
Nasamsam Kay Villaran ang 26na sachet ng shabu na humigit-kumulang sa 1,112 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P 7,561,600.00.
Ang nadakip na tatlong suspek ay itinuturing na mga high value target ay dahil sa pagsusumikap na makabuo ng intelligence data laban bigtime drug personalities.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Silay Component City Police Station ang tatlong suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
VERLIN RUIZ