P23,660 KADA BUWAN KAILANGAN NG PAMILYANG MAY 5 MIYEMBRO PARA MABUHAY – IBON

IBON Foundation

NANGANGA­ILANGAN ng mahigit sa P23,000 ang isang pamilya na may limang miyembro at naninirahan sa Metro Manila para matugunan ang basic food at non-food needs kada buwan, ayon sa research group IBON Foundation.

Sa pahayag ng IBON, ang isang pamilya na may limang miyembro at nakatira sa National Capital Region (NCR) ay ma­ngangailangan ng hindi bababa sa P1,004 kada araw upang matustusan ang mga pangunahing pangangailangan ng bawat miyembro hanggang noong March 2019.

Nangangahulugan ito ng family living wage (FLW) na P23,660 kada buwan, mahigit sa doble ng poverty threshold na iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong nakaraang linggo kung saan ang reference period ay ang taong 2018.

Sa ulat ng PSA, ang isang pamilya na may limang miyembro ay maaa­ring mabuhay sa monthly budget na P10,481, subalit ni-linaw nito na hindi ito nangangahulugan na hindi sila mahirap.

“’Pag below doon, ‘yun ‘yung sinasabi namin na nasa poverty. Hindi namin sinasabi na porke may P10,000 ka, eh hindi ka na mahirap. Pero kumakain ka. Nabili mo ‘yung basic food mo,” wika ni PSA Assistant Secretary Josie Perez.

Ayon pa sa IBON, ang pinakamalaking gastos ay para sa pagkain na nasa P11,262 kada buwan, kasunod ang renta sa bahay sa P3,965.

Sumusunod dito ang utilities (P2,295), transport (P2,295), health (P521), at furnishings (P521).

Kabilang din sa mga gastusin ang clothing (P402), communication (P402), education (P308), special family occasions (P260), at furniture and equipment (P166).

Ang iba pang buwanang gastusin na binanggit ng IBON ay ang alcoholic beverages (P142), recreation and culture (P118), mis-cellaneous goods and services (P1,349), other expenditure (P426), at savings (P355).

Comments are closed.