P25-B BORACAY MEDIUM-TERM ACTION PLAN

BORACAY-11

INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P25-bilyong  Boracay Medium-Term Action Plan.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, ginawa ng Pangulo ang pag-apruba sa ginanap na ika-39 na regular cabinet meeting sa Malakanyang noong Lunes ng gabi.

Ang naturang plano ay naglalatag ng mga programang naglalayong ma-rehabilitate ang nabanggit na isla upang masustinehan ang mga ginagawa ng gobyerno para sa ikagaganda at ikaaayos ng isla.

Sinabi ni Panelo na inilatag nina National Economic and Development Authority (NEDA) Director General at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia at Undersecretary Adoracion Navarro ang mga kaukulang plano kabilang na ang mahigpit na pagpapatupad ng umiiral na batas kaugnay sa bilang ng mga bibisita at hotel accomodations sa isla, solid at liquid  waste manage-ment, rehabilitasyon at pagsasaayos ng ecosystems at pagsasaayos ng mga kalsada at public health infrastructures at permanenteng housing para sa mga katutubo at education facilities ng mga ito.

Ang nabanggit na action plan ay inaprubahan ng NEDA noon pang Disyembre 21, 2018.

Ayon sa NEDA, ang estimated total investment requirement para sa naturag programa ay aabot sa P25.27-bilyon kung saan P16.21-bilyon  o 64 na porsiyento ay ilalaan sa infrastructures.

Sinabi pa ng NEDA na aakuin ng private sector ang 62.9 porsiyento o halagang P15.89-bilyon sa kabuuang gastusin  para sa mga programa.

Magugunita na Abril noong nakaraang taon nang ipasara ng Pangulong Duterte ang Boracay upang sumailalim sa rehabilitasyon.  EVELYN QUIROZ

Comments are closed.