P25-M SMUGGLED CIGARS NASABAT

ZAMBOANGA CITY- NASABAT ng mga tauhan ng PNP Maritime Group at Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) Water Patrol Division (WPD) ang nasa P25 million halaga ng smuggled cigarettes sa may dalampasigan ng Sta. Cruz Island sa Zamboanga City.

Sa ulat na isinumite kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz kahapon, nagsagawa ng maritime patrol operation ang mga elemento ng WPD at ng Enforcement and Security Service- Customs Police Division (ESS-CPD) sa bisinidad ng Sta. Cruz Island.

Dito nasabat ang 707 master cases ng puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P25 million sakay sa isang wooden motorized vessel M/L Paris.

Bigo ang labing isang tripulante nito na makapagpakita ng kinakailangan importation documents para sa mga kontrabandong sakay nito.

Napag-alaman na nagmula ang motorized boat sa Pangutaran, Jolo sa Sulu at sinasabing patungo sana sa Brgy. Baliwasan seaside sa Zamboanga City.

Ayon kay District Collector Segundo Sigmund Freud Barte Jr. dahil sa direktiba ng commissioner na palakasin ang BOC water assets ay lumaki ang bilang ng mga matagumpay na apprehension ng POZ sa pamamagitan ng maritime patrol.

Ang intensified border control ay kaugnay din sa kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na masawata ang smuggling activities sa kanilang mga jurisdiction.

Kasalukuyang sumasailalim sa pagsisiyasat at profiling ang mga inarestong crew ng M/L Paris.

Habang ang mga nasabat na kontrabando ay inilagay muna sa kustodiya ng BOC para sa inventory and proper disposition in violation of Section 1113 (a) of Republic Act 10863, otherwise known as the “Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, in relation to Section 117 and the Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations. VERLIN RUIZ