P25 UMENTO APRUB NA SA METRO MANILA

Allan Tanjusay

AMINADO ang militant labor group na Alliance of Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines na nabigla sila sa biglaang paghahayag ng P25 umento sa minimum wage ng Employers Confederation of the Philippines kaya pinag-aaralan nilang iapela ito.

Kasama sa mga hakbang na inaaral ng grupo ang paglulunsad  ng kilos protesta bagamat naniniwala si-lang hindi pa ito pinal hangga’t hindi mismong ang Labor Department ang mag-aanunsiyo.

Kinumpira ng ALU-TUCP na nagkaroon na ng kasunduan para sa P25 na umento sa minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila na hinihina­lang sadyang pinasingaw ng ECOP sa media.

Gayunman, nilinaw ni Allan Tanjusay, tagapagsalita ng labor group na hindi pa ito opisyal dahil dadaan pa ito sa pag-apruba ng National Wages and Productivity Commission kung saan chairman si Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ayon kay Tanjusay, posibleng sadyang inilabas na ng mga employer ang bente singko pesos upang hindi na ito mabago ng komisyon.

Nilinaw pa ni  Tanjusay na nagkaroon ng deadlock sa huli nilang deliberas­yon na kaharap ang mga employer kaya’t nagbigay pa sila ng counter offer na P100 subalit hindi pa rin ito lumusot.

“Palagi namang ganito, nananaig palagi ‘yung mga employer at negosyante sa huling punto ng botohan kung magkano idadagdag, nagkaroon kasi ng deadlock nu’ng mga bandang alas-10:00 ng umaga dahil kina-counter offer namin na dapat P100 para ma-i-recover natin ang purchasing power na P512, kung less than P100 at 25 pesos e napakalaki pa ng ating bubunuin,” paliwanag pa ni Tanjusay

Sinilip din ng ALU -TUCP ang P56 dagdag sa minimum wage sa Region 11 o sa Davao Region na umano’y doble sa P25 na ibinigay sa mga manggagawa sa Metro Manila at napakalayo sa orihinal nilang petisyon na P324.

“Ang diperensya parang may favoritism pa kasi sa Region 11, sa Davao Region ay P56 pesos ang ibi­nigay ng Wage Board doon samantalang mas mataas ang cost of living dito sa Metro Manila, so bakit P25 lang ang ibinigay?” himutok ni Tanjusay. Paliwanag pa ng tagapagsalita.

Samantala, nilinaw ng Department of Labor and Employment na wala pang rekomendasyon ang Na-tional Wage Board para sa umento sa minimum wage para sa Metro Manila.

Ayon kay Sec. Bello, kapag naisumite na ang rekomendasyon ng Wage Board, tatalakayin pa ito ng Na-tional Wages and Productivity Commission kung aaprubahan o ibabasura.

“Hindi pa nagsa-submit ‘yung Regional Tripartite Wage and Productivity Board. They are supposed to submit their recommendation doon sa wage adjustment kahapon,” anang kalihim.

“Ang naririnig ko puro unofficial e. I cannot rely on unofficial accounts,” sabi pa ni Bello.

Gayunman, agad din nitong  sinabi  na mas malamang na aprubahan nila anuman ang irekomenda ng Wage Board dahil resulta naman ito ng mga deliberas­yon na dinaluhan ng mga kinatawan ng mga employer at ng labor sector.

Una nang inihayag ng  ECOP na P25 ang napagkasunduang umento sa minimum wage sa Metro Manila.

Sakaling maaprubahan, magiging P537 na ang minimum wage sa Metro Manila.

Oktubre rin ng nakaraang taon nang magbigay naman ng P21 na umento ang wage board sa minimum wage sa Metro Manila.  VERLIN RUIZ

Comments are closed.