P250-B LUGI SAKALING MAKAPASOK ANG AFRICAN SWINE FLU SA PINAS

ASF-PH.jpg

TINATAYANG aabot sa P250 bilyon ang halaga ng maaaring maging lugi ng Filipinas sakaling tuluyang manalasa ang sakit na African Swine Fever (ASF).

Ito ang sinabi ni Dr. Maria Glofezita Lagayan, focal person for communication ng ASF Task Force ng Bureau of Animal Industry (BAI) at ng Department of Agriculture (DA), sa idinaos na Science Information Forum on ASF na inorganisa ng National Academy of Science and Technology ng DOST.

Ayon kay Lagayan, kinakailangang maging maingat ang mga kinauukulan partikular ang mga nasa paliparan at pantalan upang hindi malusutan ang bansa ng mapanganib na ASF na posibleng makaapekto sa swine industry.

Siniseryoso aniya ng kanilang ahensiya ang banta ng ASF dulot ng nangyaring pagtama nito sa ilang bansa katulad ng China at Vietnam na bumagsak ang swine industry kung kaya’t mahigpit na nakaantabay ang mga tauhan ng Bureau of Customs at quarantine officers ng DA na handang humarang sa mga pumapasok na produktong karne na kontaminado ng virus.

Sinabi pa ni Lagayan na bukod sa paghihigpit sa mga air at seaports, todo-bantay rin sa pagmo-monitor ang National Meat Inspection Service (NMIS) katuwang ang local government units (LGUs) sa mga palengke at groceries bilang bahagi ng pagkontra sa ASF.

Nilinaw naman ng opisyal na hindi nakahahawa sa mga tao ang naturang ASF kundi sa mga alagang baboy lamang ito nakaaapekto subalit wala aniyang lunas ang naturang sakit sa baboy at matagal manatili ang virus sa isang lugar.

Kasunod nito, pinaalalahanan naman ng BAI-DA ang mga nag-aalaga ng baboy na panatilihing malinis ang kanilang mga lugar at tiyakin ang bio-security para masigurong ligtas ang mga alaga sa pakikipagtulungan ng mga municipal at provincial agriculturists.

Nakatakda namang magdaos ang BAI-DA ng isang konsultasyon sa darating na Hulyo para makabuo ng karagdagang contingency plan bilang pagkontra sa ASF.

Kabilang pa sa tinalakay ang status ng ASF virus kung saan ipina­kita ang mga hakbang ng pamahalaan at pribadong sektor para hindi makapasok ang mapamuksang sakit sa mga alagang baboy.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.