INAPRUBAHAN na ng Land Bank of the Philippines ang P250 million na pautang sa ilalim ng P3-billion credit support nito para sa private academic institutions sa pagpapatupad ng “study now, pay later” scheme sa mga estudyante na naapektuhan ng COVID-19 crisis.
Ayon kay LandBank president and chief executive officer Cecilia Borromeo, ang inaprubahang loan ay para sa isang eskuwelahan sa ilalim ng ACcess to Academic Development to Empower the Masses towards Endless Opportunities (ACADEME) program.
“Mayroon na hong mga paaralan na lumapit sa LandBank, katunayan mayroon na kaming in-approve na P250 million sa isang malaking school,” ani Borromeo sa Laging Handa public briefing.
Sa ilalim ng ACADEME program, magkakaloob ang LandBank ng credit funds sa private at non-DepEd high schools, private technical-vocational and education training (TVET) institutions, at private higher education institutions (HEIs).
Sa pamamagitan ng programa ay makauutang ang mga kuwalipikadong borrower ng hanggang 70% ng kabuuang halaga ng promissory notes na inisyu ng mga magulang o benefactor ng mga estudyante sa per-semester basis.
Ang loans ay papatawan ng 3% interest per annum, na may three-year term.
“Ang mga magulang at guardian ng ating mga estudyante o mag-aaral ay maaaring manghiram sa mga private school na ito para ‘yung mga school naman na ‘yan ay pupunta sa LandBank at ipa-rediscount nila ‘yung mga promisory note ng kanilang mag-aaral,” sabi ni Borromeo.
Comments are closed.