PUMALO na sa P270.3 million ang pinsala sa agrikultura ng bagyong Agaton hanggang noong Martes, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ng DA na ang mga pinsala ay iniulat sa mga rehiyon ng Eastern Visayas at Caraga.
Ang volume ng production loss sa naturang mga lugar ay umabot sa 16,866 metric tons. Hindi bababa sa 3,168 ektarya ng agricultural areas at 2,199 magsasaka ang naapektuhan.
Ayon sa DA, ang mga apektadong commodities ay kinabibilangan ng rice, corn, high-value crops at livestock.
Isasailalim pa sa validation ang halaga at marami pang pinsala ang inaasahang iuulat sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.
Mamamahagi rin ang DA ng rice, corn, vegetable seeds, gamot at biologics para sa livestock at poultry sa mga apektadong magsasaka.
Magkakaloob din ng ayuda ang Agricultural Credit Policy Council, sa pamamagitan ng Survival and Recovery Program nito.
Gagamitin ng DA ang Quick Response Fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, gayundin ang pondo mula sa Philippine Crop Insurance Corporation para bayaran ang mga apektadong magsasaka.