P28.8-B AYUDA SA NAWALAN NG TRABAHO

DOLE Assistant Secretary Dominique Tutay

TINIYAK ng pamahalaan na kanilang tinututukan ang unemployment sa bansa na epekto ng COVID-19 pandemic.

Sa Laging Handa press briefing, iniulat ni Labor Assistant Secretary Dominique Tutay na sumampa na sa 420,000 workers ang permanenteng nawalan ng trabaho habang 4.5 milyon katao ang apektado ng flexible work arrangement at temporary closure.

Sinabi ni Tutay na agad kumilos ang pamahalaan gaya ng monitoring sa mga manggagawa at alinsunod ito sa isinasaad ng Bayanihan 1 at 2.

Ayon kay Tutay, umabot na sa P28.8 bilyon ang naipamahagi sa may 3.4 milyong manggagawa mula sa formal sector, informal sector, pati na rin sa mga na-repatriate na overseas filipino workers.

“Iyon pong apat na survery rounds po ng Philippine Statistics Authority tayo po ay nagtapos sa 10.2% unemployment rate that is equivalent to 4.5 million unemployed persons,” sabi ni Tutay.

Ipinaliwanag ni Tutay na ang naging tugon ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang kaagad na matulungan ang mga apekatadong manggagawa ay ang pamamahagi ng iba’tibang cash assistance sa  ilalim ng Bayanihan 1 at 2.

“Para po doon sa programa natin na CAMP, (COVID Adjustment Measures Program) na P5,000 financial assistance po, tayo po ay nakatugon sa pangangailangan ng 1.6 million na mga manggagawa sa formal sector,” ani Tutay.

Samantala, ang emergency employment para sa informal sector ay umabot sa 1.4 million ang natulungan at 427,000 namang OFWs ang nabigyan din ng ayuda.           EVELYN QUIROZ

Comments are closed.