P3-B LUGI SA PORK INDUSTRY

BABOY-7

UMAKYAT na sa halos P3 bilyon ang pagkalugi sa pork industry ng ban- sa simula nang pumasok ang African Swine Fever (ASF) noong Agosto.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Reildrine Morales, secretariat head ng Department of Agriculture Crisis Management Team on ASF, na ang datos ay batay na rin sa na­ging quotation ng ­ilang negosyante na karaniwang nakabebenta ng 3,000 baboy kada araw.

Ayon kay Morales, kung ang isang baboy ay naibebenta ng P10,000, lalabas na P30 milyon kada araw ang nawawala sa kita ng mga nasa pork industry.

Lumalabas na aabot sa halos P1 bilyon kada buwan ang income losses sa hog industry kung kaya nasa P3 bilyon na ang ikinalugi ng industriya sa nakalipas na tatlong buwan.

Samantala, iniulat ni Morales na nasa 70,000 baboy na ang napapatay sa bansa dahil sa ASF mula pa noong huling linggo ng Agosto..

Gayunman, nilinaw niya na ang nabanggit na bilang ay napakaliit na porsiyento lamang sa tinatayang 12.5 milyong baboy sa bansa. “Those that we have already culled is about 70,000 since August, around that figure,” sabi ni Morales.

Ayon kay Morales, ang naturang bilang ng mga pinatay na baboy ay hindi naman lahat apektado ng ASF.

“At least a third or even less were infected. If one or two of the hogs were tested positive for ASF, other pigs within the 1-kilometer radius would have to be culled also” sabi pa ni Morales.

Tiniyak naman ni Morales na sapat ang suplay ng baboy sa dara­ting na Kapaskuhan dahil wala pa naman, aniya, sa isang porsiyento ng kabuuang populasyon ng baboy sa bansa ang napapatay.

Ipinaliwanag din ni Morales ang ilang updates tungkol sa epekto ng ASF sa agrikultura at mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan upang maagapan ang paglaganap nito.

Ayon kay Morales, nagpapatupad din ang task force ng zoning plan upang tukuyin ang mga lugar sa bansa na free zones, na ang ibig sabihin ay walang kaso ng ASF, kabilang na ang Visayas at Mindanao at iba pang island pro­vinces.

Mayroon ding tinatawag na protected zone kung saan mas mataas ang panganib ng kontaminasyon o ‘di kaya ay konektado sa mga lugar na natukoy na may ASF, gayundin ang surveillance zones dahil naman sa may mga kaso ng ASF tulad ng Regions III at IV-A; infected zones naman ang mga lugar na may aktuwal na mga kaso ng ASF at ang buffer zone, na kinabibila­ngan ng Pangasinan kung saan nagkaroon ng kaso ng ASF dahil sa pag-uwi ng kalakal ng baboy sa lalawigan mula sa mga kontaminadong baboy mula sa Bulacan.

Napag-alaman din kay Morales na mayroon na ring naiulat na kaso ng ASF sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng sa Caloocan at Malabon na may mga backyard na babuyan na aniya’y maituturing na manageable pa naman.

“I worked in the era­dication of foot and mouth disease in the Philippines. If we are going to look at ASF, I think at this point, the ASF is still managed. The level of spread of the disease is a level that we can call – it’s managed,” sabi pa ni Morales.

Naniniwala pa rin si Morales na tuluyang mawawala ang ASF sa bansa kung magtutulu­ngan lamang ang lahat ng stakeholders.

“It can be controlled, it can be managed and it can be eradicated,” giit pa ni Morales.

Ang unang mga kaso ng ASF ay nadiskubre sa Rodriguez, Rizal dahil sa mga baboy na pinakakain ng kaning baboy. EVELYN QUIROZ