DAVAO DEL SUR – TINATAYANG nasa P30 milyon ang halaga ng smuggled cigarette na nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Navy nang masabat ang dalawang watercraft na lulan ang naturang kontrabando sa Digos City.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Navy Flag Officer in Command, Vice Admiral Toribio Adaci Jr. ay tinutukoy ang dalawang sea vessel na M/L Er-Far at M/B Qaireen na naharang BRP Herminigildo Yurong (PG906) ng Phil. Navy na nasa ilalim ng operation control ng Naval Task Force 71 ng Naval Forces Eastern Mindanao.
Ang dalawang watercraft ay may lulan ng smuggled cigarettes na tinatayang aabot sa P30,000,000.00
Batay sa ulat, bandang alas-8 ng gabi nang namataan ang M/L Er-R-FAR na naka angkorahe may 1,000 yarda mula sa Digos Point at naglilipat ng mga kahon ng smuggled cigarettes sa isang unmarked banca.
Agad na nirespondehan ng PG906 sa area para siyasatin ang kaganapan at sa pagrerekisa sa watercraft na may pitong crew, isang porter at 1, 000 master cases ng sigarilyo.
Habang iniinspeksyon ng PG906 ang M/L Er-Far ay namataan ang isa pang watercraft na nagsasagawa rin ng pagdidiskarga ng mga kahina hinalang kontrabando sa dalampasigan ng Punta Biao, Digos City, Davao del Sur.
At nang sampahin ng mga tauhan ng Phil Navy ay nadiskubre ang nasa 800 master cases ng smuggled cigarettes. Kapwa walang maipakitang dokumento o permit ang dalawang sea vessel.
Inayudahan ng NAVSOU7 ang mga kasamahan sa PG906 sa paghatak sa nahuling dalawang bangkang de motor sa Feranil Pier, Naval Station Felix Apolinario, Panacan, Davao City.
Pagsapit sa NSFA, agad na isinailalim ang pitong tripulante sa medical assessment sa Camp Panacan Hospital.
VERLIN RUIZ