INAASAHANG bababa pa ang presyo ng bigas ngayong taon dahil sa patuloy na implementasyon ng Rice Tariffication Law.
Sa ilalim ng batas, wala nang quota ang mga rice trader sa pag-aangkat ng bigas sa ibang bansa.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Mercy Sombilla, ang presyo ng bigas ay maaaring bumaba sa P34 hanggang P35 kada kilo sa pagtatapos ng 2020 mula sa kasalukuyang P36.
Ang kasalukuyang P36 kada kilo ay mas mababa sa target ng gobyerno na P37 at pinakamababa magmula noong 2014. Mas mababa rin ito ng 12.3 percent sa P41.63 kada kilo na naitala noong Disyembre ng nakaraang taon
“It’s now even dropping at a lower price. It exceeded pa and we hope that it will still go a little bit lower para mas marami pang makinabang (so that more people will benefit from it),” wika ni Sombilla sa Malacañang reporters.
Sinabi ni Sombilla na umaasa ang pamahalaan sa P10-billion fund para palakasin ang rice production at mapababa ang presyo.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, nabiyayaan ng nasabing pondo ang may 491,756 magsasaka.
“The whole objective of improving productivity, competitiveness and profitability will always be our guiding objectives in the implementation of the rice competitiveness enhancement fund,” aniya. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.