PORMAL nang isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2021.
Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, aabot sa P4.506 trillion ang pambansang pondo para sa susunod na taon na may temang “Reset, Rebound and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability”.
Mas mataas ito ng 9.9% kumpara sa P4.1 trillion budget ngayong 2020.
Sinabi ni Avisado na sesentro ang national budget sa pagpapabuti ng health care system ng bansa, pagtiyak sa food security, paglikha ng maraming trabaho at digitalization ng gobyerno at ng ekonomiya.
Ipaprayoridad din sa pambansang pondo ang mga social services sector para tugunan ang banta ng COVID-19 tulad ng national health insurance, medical assistance, procurement ng COVID-19 vaccines at personal protective equipment (PPEs).
Tulad pa rin sa mga nakaraang budget, pinakamalaki pa rin ang alokasyon para sa edukasyon na may P754.4 billion.
Sinundan ito ng DPWH- P667.3 billion; DILG- P246.1 billion; DND- P209.1 billion; DOH- P203.1 billion; DSWD- P171.2; DOTR- P143.6 billion; DA- P66.4 billion; Judiciary- P43.5 billion; at DOLE- P27.5 billion.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay mapupunta sa Personnel Services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32 trillion kung saan dito kukunin ang alokasyon para sa dagdag na hiring ng mga healthcare worker.
Ang Capital Outlay naman ay pumangalawa na sakop ang 20.4% ng 2021 budget o P920.5 billion bunsod ng pagtaas sa bilang ng mga infrastructure program ng DPWH at DOTr.
Habang ang Maintenance, Operating and Other Expenditures (MOOEs) ay nasa P699.4 billion na hinati sa pagbabayad ng utang na nasa P560.2 billion, Support to Government-Owned and Controlled Corporations na may P157.5 billion, at tax expenditures na may P14.5 billion.
Sinabi naman ni Speaker Alan Peter Cayetano na target nilang tapusin ang deliberasyon at aprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 national budget sa katapusan ng Setyembre. CONDE BATAC
Comments are closed.