P4.78-B AYUDA SA AFP VS TERORISMO

Panfilo Lacson

ISINULONG ni Senador Panfilo Lacson ang paglalaan ng P4.78 bilyong budget bilang pag-ayuda sa Sandatahang Lakas  kontra sa lumalalang te­rorismo.

Sa kanyang pagdalo sa bicameral panel meeting para sa 2019 national budget, isiniwalat ni Lacson na ang P4.78 bilyon ay kanyang iminumungkahing ila­an para sa pag-mobilisa ng 11th Infantry Division ng Philippine Army na hiniling ng Department of National Defense (DND).

“It is an institutional amendment that I introduced, for the activation of an infantry division as requested by the DND,” paliwanag ni Lacson sa harap ng mga kasamahang bumubuo sa bicameral panel ng budget.

Tinukoy nito na hindi dapat isantabi ang institutional amendment dahil sa request ito ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahlaan na siyang tamang ginawa ng mga mambabatas.

“Institutional amendments should not be set aside because these are requested by the agencies concerned, and are properly vetted by lawmakers,” dagdag ni Lacson.

Ang nabanggit na ka­ragdagang puwersa ng mga sundalo ay ayuda sa Min­danao partikular sa Basilan, Sulu, Tawi-tawi (BaSulTa) kung saan naitatala ang matitinding karahasan.

Iginiit ni Lacson, ang 11th Infantry “Alakdan” Division ay provisionally activated ng PA nitong nakalipas na Disyembre 1 sa Jolo, Sulu na layong palakasin ang AFP pero para labanan ang karahasan at banta ng Abu Sayyaf sa BaSulTa.

Isa sa pinakahuling insidente ng karahasan sa lugar na ito ay ang pagsabog sa simbahan sa Jolo, Sulu kung saan marami ang namatay at malubhang nasugatan. VICKY CERVALES

Comments are closed.