TUMAAS ang budget deficit ng bansa noong Agosto kumpara noong nakaraang taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa datos na ipinalabas ng Bureau of the Treasury (BTr), nagposte ang national government ng budget gap na P40.1 billion noong nakaraang buwan, mas mataas ng 1,510.61 porsiyento kumpara sa P2.5 billion sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, ang budget deficit noong Agosto ay mas maliit kumpara sa P140.2-billion na naitala noong Hulyo.
“The fiscal outturn resulted from the 13.05% year-over-year decrease in government receipts due to the continued impact of the pandemic outbreak with minimal growth in government expenditures for the period,” paliwanag ng BTr.
Mula Enero hanggang Agosto, ang fiscal gap ay lumobo sa P740.7 billion, mas mataas ng 515.03% kumpara sa P120.4 billion year-on-year.
Samantala, ang total revenues noong Agosto ay nasa P243.2 billion, mas mababa ng 13.05% kumpara sa P279.7 billion sa kaparehong panahon noong 2019.
Ang year-to-date revenues ay may kabuuang P1.931 trillion, mababa ng 7.67 porsiyento mula sa P2.091 trillion noong nakaraang taon.
Sa kabuuang tax revenues noong nakaraang buwan, ang koleksiyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nag-ambag ng pinakamalaking share sa P187.9 billion, ngunit mas mababa ng 8.59 kumpara noong nakaraang taon.
Year-to-date, ang BIR collection na P1.303 trillion ay bumaba ng 10.26 porsiyento mula sa P1.452 trillion sa kaparehong panahon noong 2019.
Comments are closed.