P42.9-M TILAPIA NAPINSALA

TILAPIA-2

MAHIGIT sa 600 toneladang tilapia na nagkakahalaga ng ₱42.9 million ang napinsala sa fish kill na tumama sa Taal Lake sa Batangas.

Katumbas umano ito ng 100 fish cage o paglalagyan ng isda hangga’t sa maaari na silang ma-harvest at maibenta sa merkado.

Ayon kay DENR Calabarzon Executive Director Maria Paz Luna, bumaba ang dissolved oxygen sa lawa, isa umanong natural phenomenon.

Pero ayon pa kay Luna, maaaring nag-ugat ito sa dami ng mga namamahala ng mga fish cage.

“Even ‘yung fish cages sa ibang barangay ng Laurel, ay hinila nila pa­puntang Barangay Boso-Boso, dahil traditionally ay hindi nagkakaroon ng fish kill, pero ‘yun nga, nu’ng sila ang tinamaan, nagkaganito nga,” ani Luna.

Sa halip umano na ibalik sa orihinal na lugar na dapat paglagyan ng cage ay nagsisiksikan umano ang mga ito sa iisang baran-gay.

Aabot sa 200 lamang dapat ang mga fish cage sa Barangay Boso-Boso na sakop ng Taal Lake, pero lagpas 700 umano ang na-roon kaya posibleng dumumi ang tubig at nawalan ng sapat na oksiheno ang mga fish cages.

Umaaray si Romel Pesigan sa posibleng epekto nito sa kanyang hanapbuhay. Tagapangalaga si Pesigan ng mga tilapia sa fish cage sa Taal Lake.

“Ay, malaking epekto ito dahil ‘yung hanapbuhay namin ay siyempre, ‘pag namatay na ‘yung isda ay wala na,” ani Pesigan. Tinatayang milyon milyong halaga ng tilapia ang nasayang sa nararanasan ngayong fish kill sa lawa ng Taal sa Batangas.

Paiigtingin umano nila ang monitoring sa lawa hanggang sa mahakot ang lahat ng namatay na isda.

Tiniyak naman ng DENR na hindi lahat ng isda sa lawa ay apektado ng fish kill bagama’t tuloy-tuloy ang ginagawang monitor-ing ngayon ng DENR sa lugar. VERLIN RUIZ

Comments are closed.