FORT BONIFACIO – SA mga susunod na buwan ay magkakaroon na ng mga makabagong first aid kit ang lahat ng miyembro ng Philippine Army partikular ang mga sinasabak sa mga conflict area.
Ayon kay Lt Col John Jotham Repollo, Chief ng Plans and Program Office ng Army Chief nurse, naglaan si Pangulong Rodrigo Duterte ng P421 milyon para sa pambili at pag-upgrade ng mga medical equipment ng army matapos na makitang naka-display sa exhibit ng Philippine Army anniversary ang mga makabagong First Aid Kit.
Ang makabagong First Aid Kit ay may mga laman na mga makabagong tactical tourniquet, chest seal, compressed gauze, hemo-static gauze, emergency trauma dressing, portable water filter, insect repellent, TC3 card at Nasopharyngeal airway.
Ang isang First Aid Kit ay nagkakahalaga ng P13,000 na mabibili sa Estados Unidos kaya hindi kuwestiyunable ang kalidad nito.
Nasubukan na aniya nila ang quality ng mga medical equipment dahil may 100 Enhanced First Aid Kit na silang binili sa Amerika.
Giit ni Lt Col Repollo, ang mga medical equipment na ito ay napakaimportante sa mga sundalong nasusugatan sa labanan para makauwi ng buhay.
Sa ngayon ay isinasagawa na ang bidding process para sa pagbili ng mga makabagong first aid kit. REA SARMIENTO
Comments are closed.