P5.768-T 2024 PROPOSED NATIONAL BUDGET ISINUMITE SA KAMARA

kamara

PORMAL na tinanggap kahapon ng liderato ng Kamara, sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez, ang kopya ng 2024 National Expenditure Program (NEP), o ang magiging panukalang budget ng administrasyong Marcos para sa susunod na taon, na may kabuuang halaga na P5.768 trillion.

Sa isang seremonya na ginanap sa Daniel Romualdez Hall ng Batasang Pambansa Complex, iniabot ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman kay Speaker Romualdez ang printed copy ng 2024 NEP, na sinaksihan ng iba pang matataas na opisyal ng Lower House at maging ng nasabing ahensiya.

Ayon kay Pangandaman, ang national budget na ito para sa susunod na taon ay mas mataas ng 9.5 percent, o katumbas ng P500 billion kumpara sa 2023 General Appropriations Act (GAA), na nagkakahalaga ng P5.268 trillion.
Sinabi ni Pangandaman na ang 2024 NEP, na nakabatay sa tema nitong “Agenda for Prosperity: Securing a Future-Proofand Sustainable Economy,” ay kinapapalooban ng 8-Point Socioeconomic Agenda at patuloy na pagsuporta sa layunin ng Philippine Development Plan 2023-2028.

Alinsunod na itinatakda ng Saligang Batas, nananatili ang sektor ng edukasyon na pinaglaanan ng pinakamalaking bahagi ng 2024 proposed national budget, na bibigyan ng alokasyon na P924.7 bilyon para mapondohan, at hahatiin sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), State Universities and Colleges (SUCs) at Technical Education Skills Development Authority (TESDA).

Sumunod ang Department of Public Works and Highways (DPWH), na paglalaanan ng pondo na P 823.2 bilyon; Department of Health (DOH), na popondohan ng P306.1 bilyon; Department of the Interior and Local Government (DILG), P2.59.5 bilyon; Department of National Defense (DND), P232.2 bilyon; Department of Transportation (DOTr) P224.3 bilyon, Department of Social Welfare and Development (DSWD), P209.9 bilyon, Department of Agriculture (DA) P181.4 bilyon; Judiciary, na may pondong P57.8 bilyon; at Department of Labor and Employment (DOLE), na may makatatanggap ng pondong P40.5 bilyon.

Sinabi ni Romualdez na ang panukalang P5.768-trillion 2024 national budget ay naglalayong mapabuti ang produksiyon ng agricultural sektor, gaya ng aning bigas at mais; at mapababa ang transportation costs ng iba pang mga produktong pagkain.

“The national budget will provide increased allocations for the Department of Agriculture’s banner programs to boost the production of prime commodities such as rice, corn and high-value crops, and fisheries among others.

Higher investments will also be provided for the construction of more fish ports and farm-to-market roads all over the country,” pahayag pa ng lider ng Kamara.

-ROMER R. BUTUYAN