IPINALABAS ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P5.830 billion para sa konstruksiyon ng 1,834 bagong klasrum sa buong bansa.
Ayon sa DBM, ang mga klasrum ay itatayo sa 216 lugar sa bansa.
Inaprubahan ni Budget Secretary Mina Pangandaman ang Special Allotment Release Order (SARO) para sa pondo noong March 18, 2024.
“The timely release of funds for the project signifies our dedication and commitment to help in building a brighter future for our young learners,” sabi ni Pangandaman.
Ang pondo ay susuporta sa unang batch ng Basic Education Facilities Fund ng Department of Education (DepEd) na saklaw ang pagtatayo ng classroom at workshop buildings, pagpapalit ng luma at sira-sirang mga gusali, probisyon ng furniture, repair, at rehabilitation ng mga klasrum, kabilang ang water and sanitation facilities, at electrification.
Bahagi ng pondo ay gagamitin sa pagtatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng kindergarten, elementary, at secondary school buildings, gayundin ng technical vocational laboratories.
Ang proyekto ay kinabibilangan din ng pagkakabit o pag-upgrade ng access facilities, gayundin ng water at sanitation facilities at site improvements upang mapalakas ang educational infrastructure sa lahat ng income-class municipalities at cities sa buong bansa.
(PNA)