LIMAMPISO hanggang P7 ang hirit na dagdag sa pasahe ng operator ng Light Rail Transit Line 1 (LRT1) makalipas ang tatlong taon na huling fare hike nito.
Ito ang inihayag ni Light Rail Manila Corporation (LRMC) Chief Executive Officer Juan Alfonso sa isang media briefing kahapon kasabay ng pagsasabing ang fare hike ay “overdue,” na dahil ang huli pang pagpapatupad ng dagdag-pasahe ng LRT ay noon pang 2015.
Kapag naaprubahan, ipapataw na ang dagdag-pasahe sa buwan ng Agosto sa taong ito.
Magiging kapalit naman umano nito ay ang patuloy na pagbibigay ng magandang serbisyo sa mga mananakay.
“Pahayag ng NEDA, ang inflation ay 4% above pero hindi pa tayo nagtataas ng pasahe simula 2015. Tingin namin ay very reasonable ngayon ang increase,” pahayag ni Alfonso.
Sinabi pa nito na gumugol ang LRMC ng P8 bilyon para sa system restoration at upgrading para masiguro ang maayos na serbisyo ng LRT1.
Base sa calculation ng LRMC, ang reasonable fare increase ay mula P5 hanggang P7, base sa layo ng biyahe ng mga pasahero.
Sa kasalukuyan, ang pasahe sa LRT1 ay mula P15 hanggang P30.
Kapag hindi naman naaprubahan, sinabi ni Alfonso na maaaring humiling ng subsidiya sa gobyerno ang LRMC.
Noong 2016, nagharap ng petisyon ang LRMC para taasan ang pasahe ng 10% ngunit ito ay binimbin ng gobyerno kaya ngayon ay positibo si Alfonso na ang hirit na dagdag singil sa pasahe ay aaprubahan.
Ang LRMC ay isang joint venture company ng Metro Pacific Investments Corporation’s Metro Pacific Light Rail Corporation (MPLRC), AC Infrastructure Holdings Corporation (AC Infra) ng Ayala Corporation, at Macquarie Infrastructure Holdings (Philippines) PTE Ltd. (MIHPL) ng Philip-pine Investment Alliance for Infrastructure.
3.5M COMMUTERS APEKTADO NG BANTANG JEEPNEY FARE HIKE
PINAG-AARALAN ng Land Transportation ang Franchising and Regulatory Board ang magiging epekto ng pagpapatupad ng dagdag-pasahe sa jeepney sa pang-araw -araw na buhay ng may 3.5 milyong commuters.
Ito ay kaugnay sa gagawing pagdinig at pag-apruba sa hinihiling ng mga jeepney driver at operator na dagdag pasahe bunsod na rin ng sunod sunod na pagtataas ng pasahe at mataas na inflation rate sa bansa.
Nabatid na tinitingnan ng LTFRB na magpataw ng provisional order bilang tugon sa hiling ng mga operator na dagdagan ang pasahe sa mga pampasaherong jeepney bukod ito sa iginigiit na rush hour rate.
Nilinaw ni LTFRB Board Member Aileen Lizada na hindi puwedeng aprubahan agad ng kanyang ahensiya ang piso hanggang dalawang piso na dagdag na hiling ng transport sectors sa pangunguna ng grupong Pasang Masda mula sa P8 na kasalukuyang minimum fare.
Bukod ito sa rush hour rate na isinusulong naman ng ibang transport group.
Ayon kay Lizada, kinikilala ng tanggapan ang pangangailangan ng mga drayber lalo na’t unti-unti na aniyang nararamdaman ng publiko ang epekto ng tax reform law, pati na ang mga oil price hike kamakailan.
Sa kasalukuyan, umiiral ang P8 na minimum fare para sa unang apat na kilometrong biyahe ng jeep, habang P1.50 naman ang dagdag sa para susunod na kada kilometro.
Habang ang rush hour rate naman ay hinihiling ang dagdag na piso kada apat na kilometro mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng umaga at alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Pipilitin umano ng LTFRB kasama ang National Economic Development Authority (NEDA) na ma-fast track ang mga pagdinig at pag-aaral sa isyu lalo na’t nakaraang administrasyon pa ang huling nagpatupad ng taas-pasahe sa mga jeepney. VERLIN RUIZ
Comments are closed.