BULACAN – Umaabot na sa 250 tonelada ng isda mula sa 150 hektaryang palaisdaan ang namatay matapos ang fish kills sa bayan ng Obando.
Sa report ng Municipal Agriculture office, ang nabanggit na datos ay nagmula sa siyam na barangay na tinamaan ng fish kill.
Kabilang sa mga lugar na tinamaan ng pagkalason ang Barangay Tawiran, San Pascual, Lawa, Paco, Binuangan, Salambao, Hulo, Pagasa at Paliwas.
Ayon kay Freddy Sta. Maria, Department head ng Agriculture Office, posibleng nakaapekto sa pagkalason ng mga iba’t ibang uri ng isda ang matinding init ng panahon at kawalan ng oxygen.
Karamihan sa mga nalason na isda ay bangus, tilapia, sapsap at iba pang uri ng isdang mula sa tubig alat.
Tinatayang aabot sa P30 hanggang P50 milyon ang nalugi sa mga mangingisda ng Obando.
Nilinaw naman ng opisyal na inisyal pa lamang ang kanilang assessment dahil hindi pa nila napupuntahan ang iba pang lugar dahil sa kawalan ng tauhan na magsasagawa ng imbestigasyon sa nangyaring fishkills.
Samantala, nakahanda namang magkaloob ng tulong ang BFAR Region-3 sa pamamagitan ng pagbibigay ng panibagong binhi at mga lambat. THONY ARCENAL
Comments are closed.