(P50 na lang kada banyera dahil sa oversupply) TAMBAN BAGSAK- PRESYO

DAHIL sa oversupply ng tamban sa lalawigan ng Iloilo, nasa P50 na lamang kada banyera ang presyo nito.

Sa Sorsogon naman ay isinusulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na gawing tinapa ang tamban upang hindi ito masayang, bagkus ay maging dagdag-kita sa mga mangingisda.

Ang oversupply ay dulot umano ng banye-banyerang dami ng tamban na huli ng mga mangingisda sa bahagi ng karagatan na sakop ng bayan ng Concepcion.

Noong nakaraang buwan, nasa halos P300 pa ang kada banyera o P15 kada kilo ng isda sa Bamban sa Iloilo.

Pero tuluyan nang bumulusok ang presyo nito pagpasok ng Agosto dahil sa oversupply. Halos umapaw na sa mga mangingisda ang mga nahuli nilang tamban. Ayon sa mga mangingisda, sa P50 kada banyera ng isda, sampung banyera na lang ang kanilang naibebenta. Kaya naman para hindi masayang ang kanilang nahuli ay ibinibilad na lamang nila ito sa araw upang gawing tuyo.
MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA