P500-M PINSALA SA INFRA NI ‘FLORITA’

SUMAMPA na sa halos P500 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastruktura ng pananalasa ng Severe Tropical Storm Florita sa bansa.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang kahapon ng alas-8 ng umaga, nasa 498,980,000 ang halaga ng nasa 102 nasirang imprastruktura sa Ilocos Region at Cagayan Valley.

Sa nasabing bilang, 93 ay mula sa Ilocos Region kung saan aabot sa P474,580,000 ang halaga ng pinsala habang siyam sa Cagayan Valley na nasa P24,400,000.

Naapektuhan din ng bagyong Florita ang 72 kabahayan sa nasabing mga rehiyon.

Nasa 31,936 pamilya o katumbas ng 129,768 indibidwal naman ang naapektuhan ng bagyo mula sa 486 barangay sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Cordillera Administrative Region at National Capital Region.

Samantala, nananatili sa tatlo ang bilang ng mga nasawi habang apat ang sugatan.

DWIZ 882