P56.4-M ILLEGAL NA DROGA NASAMSAM

NASAMSAM ang mahigit P56 milyon na halaga ng shabu ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Philippine Drug Enforcement Agency, (PDEA)at Manila Container Port (MCP) na nakasilid sa mga balikbayan box.

Batay sa report, ang naturang mga droga ay nagmula sa Thailand at ang mga ito ay nakasilid sa mga misdeclared balikbayan boxes bilang household items, sapatos, at motorcycle parts.

Nang isailalim ang mga bagahe sa Xray scanners ay tumambad na sa mga operatiba ang mga plastic pouches na naglalaman ng shabu na nakatago sa loob ng dalawang electric fans, at limang water heaters.

Aabot sa kabuuang 8.30 kilo ng shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad na tinatayang may katumbas na halaga na pumapalo sa kabuuang P56.40 milyon.

Dahil dito ay nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa paglabag sa Section 118 o prohibited importation and exportation, Section 1400 o misdeclaration, in relation to Section 1113 o property subject to seizure and forfeiture ng Customs Modernization and Tariff Act at Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga consignees, senders at recipients ng naturang balikbayan boxes.
EVELYN GARCIA